Dalawampung Tanong
Malugod na inihahandog ng UP Babaylan sa ika-dalawampung taon nitong anibersaryo ang Dalawampung Tanong, isang eksibit na hango sa proyektong A Series of Questions ni L. Weingarten. Mula sa pagkakatatag ng organisasyon noong 1992, naging pangunahing adhikain na ng organisasyon na talakayin ang mga isyung nakakaapekto sa mga miyembro ng LGBTQ (mga bakla, lesbiyana, bisexual, transgender at queer) community sa Pilipinas.
Ang Pilipinas ay nananatiling isang lipunang patriyarkal at heteroseksista, kung saan ang kasalukuyang kultural na hegemonya ay dominado ng konserbatismo ng relihiyon at sensasyonalismo ng mass media. Maraming akda sa potograpiya, pelikula at iba pang larangan ang tumatalakay sa mga paksang pang-LGBTQ, ngunit madalas ay sinasamantala ng mga ito ang kasarian o seksuwalidad ng mga nilalang na kanilang itinatampok. Malimit din ang paggamit ng eksotisismo at di wastong pag-iiba (othering) ng pangangatawan at pag-uugali ng kanilang mga sabjek.
Hangad ng Dalawampung Tanong na ipamalas ang homo/bi/transphobia na maaaring naging parte na ng ating pang-araw-araw na interaksyon at pamumuhay, nang sa gayon ay matuto ang mga tumitingin tungkol sa mga hamon na dinaranas ng mga LGBTQ sa kasalukuyan. Hinalaw ang proyekto mula sa mga awtentikong karanasan ng mga tampok na indibidwal upang maiwasan ang dehumanisasyon na naidulot ng mga ibang naunang akda.
Itinatampok sa eksibit na ito ang mga larawan na kuha mismo ng mga miyembro ng UP Babaylan. Sa bawat larawan makikita ang karatula kung saan naka sulat ang mga katanungan na masasabi nating mga tanong na kaakibat na ng mga LGBTQ sa pang araw-araw nilang pamumuhay. Mga tanong na laging bukang-bibig ng sinuman na tila'y manhid na sa mararamdaman ng taong pinagtatanungan, seryoso man ito o pabiro. Ang mga katanungang ito ay maaaring naitanong na ng kanilang mga kapamilya, kaibigan, kaklase, kasamahan, at mga taong kakilala o di kakilala.Isinulat sa simpleng karatula gamit ang chalk bilang panulat. Inaasahan ang mga tanong ay magbibigay ng kritikal na pag-unawa sa mga tumitingin upang magpukaw sa kanila at maging bukas upang suriin ang daynamiks na nakapaloob sa orihinal na konteksto ng mga katanungan. Hinahamon ang mga tumitingin na maging kritikal sa panunuri batay sa magiging repleksyon nila sa mga larawan. Inaasahan (namin) na mapagtatanto ng mga tumitingin kung gaano ka hindi sensitibo sa mga LGBTQ ang mga katanungan na inilahad sa bawat mga larawan.
Sa pag-usad sa pagkilatis ng mga larawan, mabubuo ang isang walang habas na pagyuyurak sa pagkatao ng mga LGBTQ na nakakaranas ng mga ganitong pangyayari sa kanilang mga buhay. Masasabi natin ang mga tanong na ito ay kabilang na sa buhay ng isang LGBTQ bilang uring naiiba sa mga heterosekswal, na masasabi natin na taliwas sa kanilang pamatayan o "norm". Nananatiling masigasig ang mga miyembro ng UP Babaylan sa pagbabalikwas, sa pagtutuwid, at sa pagsasa-tama ng mga katanungang ito, upang higit na maunawaan ang kasalukuyang relasyon o masasabi nating nag-ugat pa sa dati nang relasyong namamagitan sa mga LGBTQ at sa Lipunang Pilipino.
No comments:
Post a Comment